-- Advertisements --

Nagdulot ng lubhang pinsala sa isang lungsod at 7 bayan ang magnitude 6.9 na lindol na tumama sa Cebu noong Martes ng gabiu, Setyembre 30.

Ayon sa Disaster Response Operations Monitoring and Information Center (DROMIC), ang mga apektadong lugar ay kinabibilangan ng Bogo City na siyang epicenter ng lindol at mga kalapit na mga bayan ng Bantayan, Carmen, Medellin, San Remigio, Santa Fe, Sogod, at Tabuelan.

Kabuuang 42 barangay at 27,635 pamilya, o tinatayang 111,690 katao, ang naapektuhan ng lindol.

Itinayo ang isang evacuation center sa Carmen Central School na nagsisilbing kanlungan para sa 34 pamilya o 134 na mga internally displaced persons (IDPs).

Patuloy ang pagtanggap nito ng mga residente mula sa mga apektadong lugar na nawalan ng tirahan.

Nagpadala na rin ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 7, kabilang na ang mga disaster response vehicles tulad ng Mobile Command Center, Mobile Kitchen, Water Tanker, at Water Filtration System upang magbigay ng agarang suporta sa mga residente.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang mga ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan sa kanilang mga hakbang upang matulungan ang mga apektadong komunidad, kabilang na ang pagpapadala ng relief goods, tubig, at iba pang mga pangunahing pangangailangan.