Todo ngayon ang paglilinaw ng Philippine Coast Guard (PCG) na isa lamang sa walong tumakas na overseas Filipino worker (OFW) mula sa kanilang quarantine facility ang nagpositibo sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon sa Coast Guard, dinala na ang naturang COVID-19 positive OFW sa treatment facility sa isang hotel sa Pasay City para magamot.
Sinimulan ng naturang OFW ang kanyang mandatory quarantine noong May 11, 2020 pero tumakas noong May 15, 2010.
Pero ayon sa Coast Guard, mahaharap pa rin ito sa kaukulang kaso kapag gumaling na o nabigyan na clearance.
Una nang kinupirma ng PCG na kabilang sa walong OFW na tumakas sa kanilang tinutuluyang quarantine facility isang 49-anyos na lalaking OFW na taga-Quezon City habang hindi pa lumalabas ang resulta ng kanilang TR-PCR testing.
Agad namang nagsagawa ng search operation ang Sub-Task Group for the Repatriation of OFWs kaya agad ding natunton ang naturang OFW.
Ayon pa sa PCG, inilagay naman na sa isolation ang mga kamag-anak ng naturang OFW at sasalang din sa COVID-19 RT-PCR testing.
Ayon kay PCG Spokesman Commodore Armand Balilo, hinahanap narin ang pitong iba pang OFW na pawang negatibo naman sa COVID-19 pero dahil sa paglabg sa quarantine protocols ay mahaharap sila sa kaukulang kaso.
Kasabay nito, umapela sa publiko lalo na sa mga kamag-anak ng mga OFW ang PCG na makipagtulungan at unawain ang sitwasyon ng mga OFW na kailangang isailalim sa quarantine procedure.