Isang bandido ang patay habang tatlong sundalo ang sugatan ng makasagupa ang isang grupo ng bandidong Abu Sayyaf bandang alas-3:00 kaninang hapon sa Barangay Mauboh, Patikul, Sulu.

Ayon kay Joint Task Force Sulu Commander BGen. Cirilito Sobejana, naglunsad ng rescue operations ang mga tropa ng 5th Scout Ranger Battalion para sa mga dinukot na mga bihag ng makasagupa ang mga armadong grupo.

Umigting ang 15 minutong labanan dahilan sa pagkasugat ng tatlong sundalo.

Patay naman ang isang bandido habang marami umano ang sugatan batay na rin sa nakitang bakas ng dugo sa lugar kung saan tumakas ang mga bandido.

Naniniwala ang militar na ang nakasagupa ng mga Scout Ranger ay ang grupo na may hawak sa dalawang bihag na policewomen.

Samantala, kinumpirma ni Sobejana na mga miyembro ng bandidong Abu Sayyaf ang dumukot sa dalawang policewomen sa Patikul, Sulu.

Sinabi ni Sobejana na grupo ni Mujir Yada miyembro ng teroristang Abu Sayyaf ang dumukot sa dalawang bihag na pulis.

Sa ngayon, ongoing ang rescue operations ng militar para marescue ang dalawang bihag na policewomen.