Bigo ang Office of the Vice President (OVP) na baliktarin ang desisyon ng Commission on Audit (COA) matapos tuluyang ibasura ng komisyon ang kanilang apela hinggil sa ₱73.28 milyong confidential funds na ginastos noong Disyembre 2022.
Kinumpirma mismo ni COA Auditor Atty. Gloria Camora ang pagpapatibay sa inilabas na Notice of Disallowance sa ginanap na clarificatory hearing ng House Committee on Justice, na kasalukuyang dumidinig sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Batay sa resolusyon ng komisyon, tahasang ibinasura ang petisyong inihain ng Pangalawang Pangulo, kasama sina Special Disbursing Officer Gina Acosta at Chief Accountant Julieta Villadelrey, na naglalayong ipawalang-bisa ang disallowance na nagkakahalaga ng eksaktong ₱73,287,000.
Ipinaliwanag ni House Committee on Justice Vice Chairperson Rep. Joel Chua na ang naging desisyon ng COA na tanggihan ang apela ay bunsod ng kabiguan ng OVP na magbigay ng sapat na justification kung paano at saan ginugol ang nasabing pondo.
Ang isyu sa umano’y kuwestiyonableng paggamit ng milyun-milyong confidential funds ay isa sa mga pangunahing usaping binubusisi at ginagawang batayan sa pag-usad ng impeachment laban sa bise presidente.















