-- Advertisements --

Target ng Department of Energy (DOE) na ma-award ang centralized auction para sa mga mid-merit natural gas power plant sa ikaapat na quarter ng 2026 bilang bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na mapalakas ang suplay ng kuryente sa bansa.

Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, nakikipag-ugnayan na ang DOE sa iba’t ibang ahensya at sa Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP) para maisagawa ang bidding.

Layunin ng programa na hikayatin ang pagtatayo at pagpapalawak ng mga natural gas power plant na maaaring gamitin kapag mataas ang demand sa kuryente.

Ipinaliwanag pa ng DOE chief na mas mabilis tumugon ang mga natural gas power plant kumpara sa mga coal-fired power plant, kaya mas nakatutulong ito upang maiwasan ang kakulangan ng suplay ng kuryente, lalo na sa oras ng matinding konsumo.

Gayunpaman, sinabi rin niyang mas mataas ang gastos sa paggamit ng natural gas kumpara sa coal.

Bukod sa natural gas, pinabibilis din ng DOE ang pagpapatupad ng mga renewable energy projects.

Kabilang dito ang Green Energy Auction 8, na nakatuon sa mga proyekto sa Mindanao, at ang Green Energy Auction 9, na nakalaan para sa mga solar-on-stilts at agrisolar projects.

Ayon sa DOE, kasalukuyan pa nilang inaayos ang mga kinakailangang kasunduan sa Department of Agriculture upang matiyak na magiging maayos ang pagpapatupad ng mga nasabing proyekto.