-- Advertisements --

Humingi ng paumanhin si private prosecutor Atty. Lorna Kapunan kay Senator-Judge Robin Padilla matapos ang pagdinig sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte nitong Miyerkules, Hulyo 22.

Sa isang pulong balitaan pagkatapos ng pagdinig, sinabi ni Kapunan na wala siyang intensiyong bastusin ang senador at kinilala niya ang papel nito sa mga pagdinig ng impeachment court.

“Sometimes the Senate impeachment hearings are in black and white, and we’re very appreciative that Senator Robin always brings color and surprise and excitement,” ani Kapunan.

Ayon pa sa beteranong abogado, nagiging masigla ang pagdinig kapag si Padilla na umano ang nagsasalita, lalo na kapag ito ang huling nagbibigay ng statement.

Gayunpaman, inamin ni Kapunan na nagkaroon siya ng hindi sinasadyang reaksyon sa isa sa mga naging pahayag ni Padilla.

“May I use this opportunity to apologize to Senator-Judge Robin. There was no intent to disrespect him,” pahayag ni Kapunan.

Ipinaliwanag din niya na bilang isang litigator, natural lamang ang agarang pagpapakita ng reaksyon sa mga nangyayari sa loob ng korte.

“Kapag lawyer ka at nasa litigation ka, instinctive reaction ang magpakita ng emosyon. Hindi ito drama kundi bahagi ng trabaho,” dagdag niya.

Ginawa ni Kapunan ang pahayag matapos kasing mapansin ni Padilla ang naging reaksyon ng ilang miyembro ng prosecution panel habang nagtatanong siya kay House Lead Prosecutor at Batangas 2nd District Representative Gerville Luistro.

Dahil dito, hiniling niya kay impeachment court presiding officer Senator Francis “Chiz” Escudero na paalalahanan ang mga nasa loob ng bulwagan na panatilihin ang kaayusan.

“Senator Robin, sabi mo kaibigan tayo. Forgive na lang. Hindi na kami uulit diyan,” ani Kapunan.

Nang tanungin naman kung ano mismo ang naging reaksyon na ikinainis ni Padilla, sinabi ni Kapunan na hindi na niya ito matandaan. Gayunpaman, muli niyang iginiit na ang kanilang mga reaksyon ay bunga lamang ng pagiging abogado at hindi kawalan ng paggalang sa korte.