-- Advertisements --

Posibleng umabot pa hanggang Huwebes ang pre-trial proceedings para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte dahil sa dami ng mga dokumentong kailangang suriin at markahan.

Ayon ‘yan kay Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng kampo ng depensa ng Bise. Aniya nasa yugto pa rin sila ng pagmamarka o marking ng mga dokumento na maaaring gamitin bilang ebidensya sa paglilitis.

Sinabi ni Poa na marami pang dokumentong kailangang isaayos kaya inaasahang magpapatuloy ang proseso hanggang Hunyo 25.

Kabilang sa mga dokumentong sinusuri ay mga report mula sa Commission on Audit (COA), mga acknowledgment receipt, Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), at iba pang record na naiprisinta na noon sa House Committee on Justice.

Karamihan sa mga ito ay may kaugnayan sa mga alegasyon sa Articles of Impeachment, kabilang ang umano’y maling paggamit ng confidential funds at mga isyu tungkol sa diumano’y hindi maipaliwanag na yaman.

Nilinaw naman ni Poa na ang pagmamarka ng mga dokumento ay hindi nangangahulugang tinatanggap ng depensa ang pagiging totoo o katanggap-tanggap ng mga ito bilang ebidensya.

Aniya, layunin lamang ng prosesong ito na maayos na matukoy at matandaan ang bawat dokumento kapag nagsimula na ang mismong paglilitis.

Umaasa naman ang magkabilang panig ang depensa at prosekusyon na matatapos agad ang pre-trial upang magkaroon ng sapat na panahon ang dalawang panig na maghanda para sa impeachment trial.

Nakatakdang magsimula ang impeachment trial ni Sara Duterte sa Hulyo 6, kung saan ang Senado ang magsisilbing impeachment court.