Pinayuhan ng Malacañang si Vice President Sara Duterte na basahin ang desisyon ng Korte Suprema sa kasong Avelino v. Cuenco upang magkaroon ng kaalaman ukol sa mga patakaran ng Senado, partikular sa usapin ng pagpili ng liderato nito.
Ito ang naging tugon ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro matapos ihayag ni Duterte na dapat mag-usap ang lahat ng 24 na senador para maresolba ang isyu sa liderato ng Senado, kabilang ang mga nagtatago at nakakulong.
Ayon kay Castro, hindi makatotohanan ang mungkahi ng Bise Presidente dahil ang mga nakaditinggeng mambabatas ay nasa ilalim ng hurisdiksyon ng korte at hindi ng Senado, kaya hindi sila basta-basta makakadalo o makakaboto.
Idinagdag pa ng opisyal na bilang isang abogado, marapat lamang na pamilyar ang Bise Presidente sa mga legal na hurisprudensya hinggil dito.
Nilinaw naman ni Castro na kung nais ni Duterte na makabalik sa Senado si Senador Ronald “Bato” dela Rosa upang makadalo sa mga sesyon, mas mabuting hikayatin at himukin niya ito, katulad ng ginawang hakbang ni Senador Alan Peter Cayetano.
















