Simple ngunit elegante. Ganito inaasahang haharap sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ngayong Lunes, Hulyo 27, 2026.
Ayon kay Deputy Social Secretary Dina Arroyo Tantoco, mas simple ang magiging kasuotan ng Pangulo at ng Unang Ginang kumpara sa mga nagdaang SONA.
Sinabi ni Tantoco na magsusuot pa rin ng terno ang First Lady, ngunit mas minimal na ang disenyo nito at hindi na gaanong ma-detalye ang mga burda. Aniya, layunin nitong umayon sa panawagang gawing mas simple at marangal ang pagdaraos ng SONA ngayong taon.
Tatlong kilalang Filipino designers ang napiling gumawa ng disenyo para sa susuotin ng First Lady—sina Francis Libiran, Michael Leyva, at Paul Cabral.
Samantala, napili na rin ni Pangulong Marcos Jr. ang kanyang susuoting barong para sa SONA, ngunit hindi pa isinapubliko kung sino ang gumawa nito.
Ayon pa kay Tantoco, puspusan din ang paghahanda ng Pangulo para sa kanyang talumpati. Patuloy umano itong nagsasanay at nagre-rehearse bago ang kanyang pagharap sa Kongreso.
Upang mabigyan ng sapat na oras ang Pangulo sa paghahanda, sinabi ni Tantoco na ang First Lady muna ang kumatawan sa ilang opisyal activity nito, kabilang ang pamamahagi ng bigas at iba pang nakatakdang programa ng administrasyon.
Sa kabila ng iba’t ibang usaping kinahaharap ng pamahalaan, sinabi ni Tantoco na nananatiling kalmado at nakatuon sa trabaho ang Chief Executive at ang First Lady habang naghahanda SONA mamaya.
















