-- Advertisements --

Pinuna ng Malacañang ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na tinawag na “waste of time” ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at iginiit na ang taunang ulat ng Pangulo ay isang tungkuling itinatadhana ng Konstitusyon na nararapat igalang.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro na ang SONA ang opisyal na pag-uulat ng Pangulo tungkol sa mga nagawa ng administrasyon at mga programang nakatakdang ipatupad para sa kapakanan ng mamamayan. Aniya, ang hindi paggalang sa SONA ay maituturing ding hindi paggalang sa Konstitusyon at sa mga institusyon ng pamahalaan.

Binigyang-diin din ni Castro ang kahalagahan ng pagiging mapanuri at may sapat na kaalaman ng publiko sa mga programa ng gobyerno. Ayon sa kanya, mas madaling malinlang at maimpluwensiyahan ang mga taong hindi alam ang buong katotohanan.

Hinikayat ng opisyal ang publiko na beripikahin ang mga impormasyon at alamin ang katotohanan sa halip na sumunod sa mga panawagang magdudulot umano ng maling pag-unawa sa mga usaping pambansa. (report by Bombo Jai)