Muling nakatanggap ang pamahalaang lungsod ng Quezon City ng ”Unmodified Opinion” mula sa Commission on Audit (COA), ang ika-anim na sunod na taon na nakamit ng lungsod ang pinakamataas na audit rating.
Ibig sabihin nito, kinilala ng COA na maayos, tama, at sumusunod sa mga pamantayan sa accounting ang financial records ang lungsod.
Ang ”Unmodified Opinion” ng COA ay nangangahulugan na ang financial statements ng isang local government ay tama ang pagkakalahad at sumusunod sa itinakdang accounting standards.
Ayon sa lokal na pamahalaan, ipinapakita ng resulta ang maayos na sistema sa paghawak ng pondo, pagpapalakas ng internal controls, at paggamit ng pera ng bayan nang tama.
Sinabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na ang pagkilalang ito ay bunga ng disiplina at pagsisikap ng mga kawani ng lungsod sa pamamahala ng pondo na ipinagkatiwala ng mga QCitizen.
Dagdag ng alkalde, magsisilbi itong hamon sa lungsod na lalo pang pagbutihin ang kanilang mga sistema upang mas mapalakas ang serbisyo publiko.
















