-- Advertisements --

Sa ikatlong araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, nitong Miyerkules, Hulyo 8, sinabi ng kanyang kampo na ang umano’y mga pagbabanta niya laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay bunga ng pagkakaaresto sa kanyang chief of staff na si Zuleika Lopez.

Ayon sa depensa, labis na naapektuhan ang Bise Presidente nang ma-detain si Lopez ng House of Representatives matapos itong ma-contempt sa isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng confidential funds ng Office of the Vice President.

Sa pagdinig, ipinakita pa ng kampo ni Duterte ang video kung saan makikitang umiiyak at tumututol si Lopez sa planong ilipat siya sa Women’s Correctional Facility habang siya ay nasa kustodiya ng Mababang Kapulungan.

Gayunpaman, nilinaw ng depensa na hindi nila sinasabing tama o katanggap-tanggap ang mga umano’y pagbabanta. Anila, nais lamang nilang ipaliwanag ang sitwasyon na pinanggalingan ng isyu.

Samantala, pinaalalahanan naman ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang mga senator-judges na iwasang magtanong ng mga bagay na mag-uudyok sa mga abogado na magbigay ng legal conclusion.

Patuloy na dinidinig ng impeachment court ang Article IV ng impeachment complaint laban kay VP Sara. Ito ang bahagi ng kaso na tumatalakay sa umano’y grave threats at alegasyong may planong pananakit laban kina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.