Naniniwala ang dating Senate President na si Sen. Koko Pimentel na maaari nang imbestigahan ang Office of the Vice President dahil sa umano’y maanomalyang paggamit ng public funds.
Ito ay kahit pa umuusad na ang impeachment trial vs VP Sara dahil na rin sa kaparehong issue.
Ayon kay Sen. Koko, walang ‘immunity from suit’ si VP Sara sa ilalim ng 1987 Constitution kaya’t maaari lamang siyang imbestigahan ng Office of the Ombudsman kasabay ng paglilitis na ginagawa ng Senado.
Kaugnay nito ay maaari na aniyang mag-initiate ng imbestigasyon ang Tanodbayan, bilang isang independent constitutional body.
Maaari aniyang ibase ng Ombudsman ang imbestigasyon sa mga dokumentong una nang lumabas sa iba’t-ibang forum tulad ng mga imbestigasyong ginawa ng House of Representatives at ng Senado bilang impeachment court.
Bago nito ay hinimok din ni House prosecutor Rep. Terry Ridon ang Ombudsman na simulan nang imbestigahan ang OVP dahil sa umano’y maanomalyang paggamit ng confidential funds mula 2022 hanggang 2023.
Aniya, lumalabas sa testimoniya ng mga House witness na ilang beses na nilabag ng opisina ni VP Sara ang Commission on Audit Joint Circular 2015-01, na nagsasaad na tanging ang special disbursing officer ang may responsibilidad na mag-disburse sa confidential funds.
















