Isiniwalat ng isang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pagdinig ng Sandiganbayan ang tatlong magkakahiwalay na pagkakataon kung saan naghatid umano sila ng aabot sa ₱500 milyon na kickback kay dating Senator Ramon Bong Revilla Jr.
Sa pagharap ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo sa Third Division ng anti-graft court, idinetalye nito ang umano’y serye ng pag-abot ng pera sa dating mambabatas.
Ayon kay Bernardo, personal siyang nagtungo sa bahay ni Revilla noong Disyembre 2024 kasama ang kanyang driver na si Isko Dela Fuente upang maghatid ng anim na standard banker’s box at isang paper bag na naglalaman ng ₱125 milyon.
Nasundan pa ito noong Pebrero 2025, kung saan ang kanyang aide naman na si Niño Garcia ang nagdala umano ng 13 kahon na may lamang ₱250 milyon.
Pagsapit ng Marso 2025, muling naghatid si Bernardo ng panibagong ₱125 milyon na nakasilid din sa anim na kahon, na bumuo sa kabuuang kalahating bilyong piso na suhol.
Ang nasabing testimonya ay bahagi ng huling araw ng pagdinig para sa bail petition ni Revilla at iba pang akusado.
Nag-ugat ang pagdinig sa kinakaharap nilang kasong malversation kaugnay ng ₱92.8 milyon na pondong napunta umano sa mga ghost flood control projects sa bayan ng Pandi, Bulacan.
Sa kabila ng mabigat na alegasyon, lumalabas sa pagdinig na si Bernardo pa lamang ang nag-iisang direktang tumetestigo na tumanggap ng nasabing pera ang dating senador.
Dahil dito, mariing kinuwestiyon at pinagdudahan ng kampo ni Revilla ang mga pahayag ng dating undersecretary.
Iginiit ng depensa na pawang salita lamang ang mga paratang at walang naipresentang anumang konkretong ebidensya ang prosekusyon upang patunayan na aktuwal na natanggap ng dating mambabatas ang bulto-bultong pera.
















