-- Advertisements --

Personal na inabot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang P100 milyon na tulong pinansiyal kay General Santos City Mayor Lorelie Pacquiao ng magtungo ngayong araw ang Pangulo sa Mindanao.

Ang nasabing pondo ay para magamit sa pagpapaayos sa General Santos City Hall.

Ayon kay Pangulong Marcos, galing ang pondo sa Local Government Support Fund.

Inanunsiyo din ng Pangulo na ang lahat ng pamilya na namatayan ay makakatanggap din ng tig P50,000 na ayuda.

Base sa pinakahuling talaan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, umaabot sa 45 indibidwal na ang naiulat na nasawi dahil sa lindol.

Bibigyan din ng pinansyal na ayuda ni Pangulong Marcos ang local government ng Sarangani at South Cotabato para sa pag-aayos sa mga nasirang imprastraktura.

Gayunman, walang tinukoy na halaga ang Pangulo. Kukunin aniya ang pondo sa LGSF.

Sabi ni Pangulong Marcos, ang Sarangani ang hardest hit na lugar sa Mindanao.

Samantala, Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga concernced government agencies  na bilisan ang paghahatid ng tulong at pagsasaayos ng mga imprastraktura para sa mga biktima ng malakas na lindol.

Nagtungo ngayong araw sa Gensan ang Pangulong upang personal na i-assess ang sitwasyon at mamahagi ng tulong.

Siniguro din ng Pangulo na nakatutok din ang National Housing Authority (NHA) sa pag-alalay sa mga guro at iba pang residente na nakaranas ng pinsala sa kanilang mga tahanan.

​Bukod sa paunang relief goods, pagkain, at serbisyong medikal, tiniyak din ng pamahalaan ang tulong pinansyal para sa mga manggagawang naapektuhan ng pansamantalang pagsasara ng mga establisyimento sa ilalim ng sistemang no work, no pay. 

Ipapamahagi ang naturang ayuda sa pamamagitan ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE).

​Kasabay nito, iniutos ng Pangulo ang mabilisang pagsusuri sa mga napinsalang gusali upang malaman kung paano ito agad maibabalik sa normal na operasyon. Minamadali na rin ng mga awtoridad ang pagbubukas ng mga baradong kalsada upang mas mabilis na makapasok ang mga sasakyang may dalang tulong, gayundin ang restorasyon ng suplay ng kuryente at tubig sa mga apektadong komunidad.

Umaasa ang Pangulo na hihinto na ang mga pagyanig o aftershocks upang magtuloy-tuloy ang clearing at recovery operations ng pamahalaan.