Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nananatiling tagasuporta ang Pilipinas ng kapayapaan hindi lamang sa rehiyon kundi sa buong mundo, kaya’t hindi nito nais na maiugnay sa anumang sistemang nagpapalala ng mga armed conflict.
Pahayag ito ng Pangulo sa posibilidad na mabatikos ang Pilipinas maging ang mga bansang kabilang sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) kasunod ng giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Ayon sa Pangulo,maingat na sinusuri ng pamahalaan ang mga desisyong may kaugnayan sa kalakalan at ugnayang panlabas upang matiyak na hindi ito nagiging bahagi ng mga gawaing maaaring magtaguyod ng digmaan.
Ipinaliwanag din ng Pangulo na napakaliit lamang ng bahagi ng kalakalan ng Pilipinas sa Russia kumpara sa kabuuang kita ng naturang bansa kaya’t hindi maaaring sabihing nakatutulong ito sa pagpopondo ng giyera.
Binigyang-diin ng Pangulo na patuloy na mag-iingat ang pamahalaan upang matiyak na hindi makasama ang bansa sa anumang sistemang naghihikayat o nagpapalawak ng digmaan saan mang bahagi ng mundo.
Mababatid na ang European Union, ang Estados Unidos, at maging ang Singapore ay nagpatupad ng mga sanctions laban sa Russia dahil sa digmaan nito laban sa Ukraine.
















