Hihilingin ng House prosecution team sa Senate Impeachment Court na payagang makadalo ang media at gumamit ng wikang Filipino sa nalalapit na pre-trial conference para sa kaso ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, ito ay bahagi ng kanilang mga isusulong sa pre-trial briefing sa June 18 upang matiyak na bukas, madaling maunawaan, at masusundan ng publiko ang takbo ng paglilitis.
Bukod sa pagpapahintulot sa media, hihilingin din ng prosekusyon ang pagsasalin ng diskusyon sa iba’t ibang diyalekto, pagpapatupad ng “open rule” sa pagtatanong, at ang pagbibigay-halaga sa katotohanan o “substance over technicalities” kaysa sa mga legal na teknikalidad.
Nilinaw naman ni Luistro na bagamat “closed-door” o sarado sa publiko at media ang darating na pagpupulong, hindi dapat mabahala ang mamamayan dahil ito ay tila isang mahabang pulong lamang para magmarka ng mga ebidensya at isa-isahin ang mga kasunduan ng magkabilang kampo.
SIniguro ni Luistro na lahat ng mapagkakasunduan at mangyayari sa loob ng conference ay pormal na iaanunsyo at ilalatag ng prosekusyon at depensa sa publiko bago maglabas ng pinal na kautusan ang impeachment court.
















