Hindi napigilan ni dating Senate President Franklin Drilon na matawa nang matanong siya ukol sa 23 days na panunungkulan ni Sen. Alan Peter Cayetano bilang Senate president.
Ayon kay Drilon, ‘napaka-unusual’ ang nangyari sa liderato ni Cayetano, lalo at napakaraming kontrobersiyang nangyari sa loob ng maikling panahon ng kaniyang liderato.
Si Cayetano na ang ika-apat na Senate President sa loob ng apat na taong panunungkulan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. Sinundan nito sina Sen. Migz Zubiri, Sen. Chiz Escudero, at Sen. Vicente Sotto III.
Ayon kay Drilon, hindi naman kapuna-puna ang pagkakaroon ng marami o magkakaibang Senate President sa loob ng isang administrasyon.
Gayunpaman, ang manungkulan ang isang Senate leader sa loob lamang ng 21 o 23 araw ay hindi na aniya normal na nangyayari sa mataas na kapulungan, kahit pa may mga senador nang mas maikling ang kanilang naging panunungkulan.
Binalikan din ni Drilon ang kaniyang karanasan sa loob ng 24 taon na kaniyang paninilbihan bilang isang senador.
Wala pa aniya siyang nakitang katulad ng nangyari sa termino ni Cayetano.
Sa kabila nito, naniniwala si Drilon na ang 23 days na panunungkulan ni Cayetano bilang SP ay hindi ‘reflection’ ng kaniyang kakayahan o competence kundi posibleng nagpapakita ito ng paggalaw para sa pag-control sa mataas na kapulungan, kasabay ng nalalapit na 2028 elections.
















