Susuportahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang sinumang opisyal na piliin ng Senadoupang magsilbing presiding officer sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sagot ito ng Pangulo kung susportahan niya si Senator Chiz Escudero sakaling ito ang maluklok bilang presiding judge sa Senate impeachment court.
Ayon sa Pangulo, iginagalang niya ang kapangyarihan at awtonomiya ng Senado sa usapin ng pagpili ng mamumuno sa impeachment proceedings.
Binigyang-diin niya na wala siyang anumang pagtutol sa magiging desisyon ng mga senador basta’t ito ay naaayon sa umiiral na batas, sumusunod sa itinakdang proseso, at nakabatay sa mga probisyon ng Konstitusyon.
Diin ng Pangulo, mahalagang mapanatili ang integridad at kredibilidad ng proseso upang matiyak ang tiwala ng publiko sa mga institusyon ng pamahalaan.
Kasabay nito, nagpahayag ang Pangulo ng kahandaang makipagtulungan sa Senado upang mapanatili ang maayos na ugnayan ng ehekutibo at lehislatibo.
Umaasa rin si Pang. Marcos na ang mga pagbabagong isinagawa sa organisasyon at liderato ng Senado ay makatutulong upang maibalik ang kaayusan, mapabilis ang pagtalakay sa mahahalagang panukalang batas, at higit pang mapahusay ang paggana ng institusyon para sa kapakinabangan ng publiko.
















