-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Malaki ang pasasalamat ng mga magulang ni yumaong Rene Clert Baterbonia kay North Cotabato Governor Emmylou “Lala” Mendoza matapos silang pagkalooban ng ₱1 milyon na tulong pinansyal bilang katuparan sa isa sa mga pangarap ni Rene noong siya ay nabubuhay pa — ang mabigyan ng mas maayos na pamumuhay ang kanyang pamilya at ang makapagbigay ng mga computer sa kanyang dating paaralan sa elementarya.

Inihayag ng pamilya Baterbonia, lalo na ng ina niyang si Rovelyn, ang kanilang taos-pusong pasasalamat sa suporta at pakikiisa ng pamahalaang panlalawigan sa panahon ng kanilang pagdadalamhati.

Ang mga naibigay na computer sets ay inaasahang makatutulong sa pagpapalago ng edukasyon at digital literacy ng mga mag-aaral sa dating paaralan ni Bobet.

Ayon sa ina, ang hakbang na ito ay nagpapakita na kahit wala na si Rene, magpapatuloy pa rin ang kanyang mga pangarap at kontribusyon sa komunidad sa pamamagitan ng inspirasyong iniwan nito.

Patunay din ito sa pagmamahal at respeto ng mga tao mula sa iba’t ibang panig ng bansa na personal na dumalaw upang magbigay-pugay sa kanyang anak.