-- Advertisements --

Nasagip ang apat na exotic na tarantula ng Philippine National Police Maritime Group sa Olongapo City, Zambales.

Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) Central Luzon kabilang sa mga nasagip ang Chaco golden knee, Mexican flame, Mexican fireleg, at curly hair tarantula.

Agad namang itinurn-over ng mga pulis ang mga gagamba sa DENR para sa tamang pangangalaga.

Kalaunan, dinala ang mga ito sa isang wildlife rescue center sa Olongapo para sa pagsusuri at ligtas na pag-iingat.

Nagpasalamat ang DENR sa PNP Maritime Group sa agarang pag-turn over sa mga hayop at binigyang-diin na responsibilidad ng lahat ang pangangalaga sa wildlife.

Nagpaalala ang DENR sa publiko na mahigpit na kinokontrol ng Republic Act No. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act ang pagmamay-ari, pagbiyahe at pagbebenta ng mga wildlife, kabilang ang mga exotic species.

Ayon sa DENR, dapat munang makipag-ugnayan ang mga taong balak bumili, makakita, magpakawala ng mga exotic wildlife sa ahensya.

Samantala, nagbabala ang mga awtoridad na bagama’t karaniwang hindi nakamamatay ang kamandag ng tarantula, maaari itong magdulot ng iritasyon sa balat at pamamaga ng mata at daanan ng hangin ang maliliit na balahibo nito.