BUTUAN CITY – Nagdalamhati ngayon ang Mexico sa pagkamatay ng tatlo nilang kababayan habang nagdiriwang ng pagkapanalo ng kanilang national football team laban sa Ecuador sa round of 32 sa nagpapatuloy na FIFA World Cup 2026.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Bombo international correspondent to Mexico Dr. Ivan Marino na namatay ang mga biktima dahil nahirapan silang huminga sa sobrang dami ng taong nagtipon sa selebrasyon, kung saan posibleng inatake sila sa puso.
May apat na iba pang patuloy na ginagamot sa ospital habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakasunod-sunod ng pangyayari.
Hindi pa makumpirma na ang pinagmulan ng komosyon ay ang pagpapaputok ng pyrotechnics, dahil hindi umano pinahihintulutan ang paggamit nito sa mismong Mexico City maliban sa mga opisyal na aktibidad na pangungunahan ng pamahalaan gaya ng nalalapit na pagdiriwang ng kanilang Independence Day sa Setyembre a-16.
















