Nagbuhos na ng inisyal na tulong ang pamahalaan para sa libu-libong pamilyang naapektuhan ng Bagyong Basyang sa Visayas at Mindanao.
Batay sa pinakahuling datos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), umabot na sa ₱1.3 million ang halaga ng humanitarian assistance na inilaan ng ahensya para sa mga biktima ng kalamidad.
Kabilang sa mga ipinamahaging tulong ay ang ready-to-eat food boxes para sa mga pasaherong na-stranded sa iba’t ibang pantalan, gayundin ang family food packs para sa mga residenteng napilitang lumikas.
Sa ngayon, pumalo na sa 43,000 indibidwal ang pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation centers matapos na palakasin ng ahensya ang pagtatayo ng mga modular tents sa pamamagitan ng kanilang mga field office.
Sa kabuuan, naitala ng DSWD ang nasa 141,000 na indibidwal o katumbas ng mahigit 40,000 pamilya ang naapektuhan ng bagyo mula sa anim na rehiyon sa bansa.
Patuloy naman ang monitoring ng kagawaran sa mga lugar na dadaanan pa ng bagyo upang matiyak ang agaran na pamamahagi ng relief goods.
















