-- Advertisements --

Binatikos ng Akbayan Partylist si Senator Robin Padilla kaugnay ng isinusulong nitong panukala na ibaba ang edad ng criminal responsibility mula 15-anyos patungong 10-anyos, kasunod ng nakamamatay na pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.

Ang insidente noong Hunyo 22 ay ikinasawi ng tatlong estudyante matapos umano itong gawin ng dalawang menor de edad na suspek.

Sa isang social media post, sinabi ni Akbayan Party-list President Rafaela David na tila sinasamantala umano ng senador ang trahedya upang itulak ang panukalang kanilang tinututulan.

“Gusto ni Robin ikulong ang mga 10-year-old, pero ang 64-year-old na si Bato dela Rosa na akusadong mass murderer ay pinatakas niya,” ani David.

Dagdag pa niya pa, “Preso para sa mga bata, pero takas para kay Bato? Anong klaseng pag-iisip ‘yan.”

Binigyang-diin ng grupo na ang pagkakakulong ng mga bata ay hindi maituturing na epektibong rehabilitasyon, lalo na’t hindi pa ganap ang kanilang pag-unawa sa tama at mali.

“Mga bata pa sila, patuloy ang pag-develop ng kanilang kaisipan. Ang solusyon ay hindi agad pagkakakulong kundi tamang gabay at rehabilitasyon,” ayon pa sa Akbayan.

Nagpahayag din ang grupo ng pakikiramay sa mga pamilya ng mga biktima ng pamamaril, ngunit nanawagan na huwag umanong gawing batayan ang trahedya para sa mga polisiya na maaaring magdulot ng mas matinding pinsala sa mga kabataan at komunidad.

Pinaalalahanan din ng Akbayan ang publiko laban sa paggamit ng trahedya upang isulong ang mga hakbang na posibleng magpahina sa proteksyon ng mga kabataan sa lipunan.