-- Advertisements --

Umaabot sa apat na barko ng China ang namataan na bumubuntot sa pinakahuling Maritime Cooperative Activity (MCA) ng Pilipinas at Estados Unidos sa West Philippine Sea, partikular sa bisinidad ng Bajo de Masinloc.

Ito ang unang MCA sa lugar mula nang maalis ang Chinese floating structure sa loob ng bahura, na dati’y naging kontrobersyal dahil sa umano’y ilegal na presensya nito.

Ayon sa ulat ng Armed Forces of the Philippines (AFP), kabilang sa mga barko ng China ang dalawang Jiangkai-class frigates, isang Jiangdao-class corvette, at isang auxiliary tanker.

Bukod dito, isang Chinese maritime patrol aircraft ang lumipad sa ibabaw ng lugar habang isinasagawa ang drills. Sa kabila ng presensya ng mga barko ng China, matagumpay na naisagawa ng AFP at US forces ang mga nakatakdang aktibidad gaya ng search-and-rescue operations, visit-board-search-and-seizure drills, at division tactics.

Ang MCA ay bahagi ng mas malawak na Salaknib 2026 joint military exercise, na nilahukan ng mahigit 7,000 tropa mula sa Pilipinas, US, Japan, New Zealand, at Australia.

Layunin nitong palakasin ang maritime domain awareness at interoperability ng mga kaalyadong bansa sa gitna ng patuloy na tensyon sa West Philippine Sea.

Sa pahayag ng AFP, iginiit nilang ang kanilang aktibidad ay legal at alinsunod sa international law, at bahagi ng pagpapatupad ng arbitral ruling noong 2016 na nagbasura sa malawak na claim ng China sa nasabing karagatan.