-- Advertisements --

Narating na ng mga responder ng pamahalaan ang mga lugar na unang na-isolate matapos tumama ang magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao noong Hunyo 8, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).

Sinabi ni OCD spokesperson Junie Castillo na bagama’t may mga lugar nang naaabot, nananatiling hamon ang pagpasok sa ilang bahagi ng Soccsksargen dahil sa mga nasirang kalsada at tulay.

Dahil dito, gumagamit ang mga awtoridad ng mga sasakyang pandagat at alternatibong ruta upang maihatid ang relief goods.

Patuloy ang pamamahagi ng pagkain, mga tent, gasolina at iba pang pangunahing pangangailangan, habang tiniyak naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na sapat ang suplay ng pagkain para sa mga apektadong residente.

Samantala, umakyat na sa 45 ang bilang ng mga nasawi ayon sa OCD, habang umabot sa walo ang mga nawawala sa Soccsksargen.

Nasa 18 tulay at 41 kalsada ang naitalang nasira, habang may anim na naitalang landslide, habang mahigit 130,000 konsyumer ang wala pa ring kuryente at 47 gasolinahan ang hindi pa rin operational.

Patuloy rin ang pagsusuri sa mga gusali habang libu-libong residente ang nananatili sa evacuation centers at mga pansamantalang tent sa gitna ng patuloy na mga aftershock.