-- Advertisements --

Naglaan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng paunang P464,000 na humanitarian assistance para sa mga nakaligtas at pamilya ng mga nasawi sa pagguho ng isang gusaling itinatayo sa Angeles nitong linggo.

Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao inatasan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang agarang profiling ng mga na-rescue at pagbibigay ng kaukulang ayuda tulad ng financial assistance at burial assistance para sa mga pamilya ng mga nasawi.

Kabilang sa mga naipamahaging tulong ang family food packs, non-food items, ready-to-eat food boxes, financial aid, at psychosocial interventions para sa mga biktima at kanilang mga pamilya.

Nagbigay rin ang DSWD ng transportation assistance sa siyam na manggagawang nais nang umuwi sa kanilang mga probinsya sa Bicol Region matapos mawalan ng trabaho dahil sa insidente.

Ayon pa sa ahensya, pagkabalik ng mga manggagawa sa kanilang lalawigan ay bibigyan sila ng livelihood assistance sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program upang makatulong sa kanilang muling pagbangon.

Patuloy naman ang koordinasyon ng DSWD sa lokal na pamahalaan ng Angeles City at iba pang ahensya upang matiyak na mabibigyan ng kinakailangang suporta ang lahat ng apektadong pamilya at survivors ng trahedya.