Nagpahayag ng matinding kalungkutan si dating Speaker at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez kaugnay ng pamamaril sa San Jose National High School.
Sa kanyang pahayag, nakiramay si Romualdez sa mga pamilya ng mga biktima, mga sugatan, guro, at buong komunidad ng paaralan.
Inatasan din ni Rep. Romualdez ang kanyang tanggapan na makipag-ugnayan sa mga lokal na awtoridad at kaukulang ahensya ng pamahalaan upang agad na makapagbigay ng tulong sa mga apektadong pamilya.
Nanawagan din ang mambabatas sa mga awtoridad na magsagawa ng masusi at mabilis na imbestigasyon upang mapanagot ang mga may sala.
Binigyang-diin ni Romualdez na dapat manatiling ligtas na lugar para sa pag-aaral ang mga paaralan at hinikayat ang publiko na magkaisa sa panalangin at suporta para sa mga naapektuhan ng insidente.










