Humihingi na ng interbensiyon ang pamahalaang panlalawigan ng Pampanga mula sa gobyerno para matugunan ang patuloy na malawakang pagbaha sa mga bayan at siyudad kasunod ng mga mabibigat na pag-ulang dala ng habagat.
Ayon kay Pampanga Governor Lilia Pineda, dalawang bayan na ang below sea level kabilang ang Macabebe at Masantol, na nagsisisilbing pinto sa paglabas ng tubig na nagmumula sa Nueva Ecija o sa bundok ng Sierra Madre gayundin dahil malapit ito sa Pampanga Bay.
Naniniwala ang gobernador na silted na o mababaw ang tubig mula sa Pampanga Bay dahilan kayat bumabalik o nagba-back flow ito. Nakikitang solusyon dito ni Pineda ang massive dredging operations o pagpapalalim sa dagat para ang mga nanggagaling na tubig sa Pampanga river ay hindi na mapunta sa mga bayan-bayan.
Sinabi ng gobernador na magsasagawa sila ng feasiblity study sa tulong ng isang Japanese firm para masolusyunan ang matagal ng problema.
Nitong Martes, humiling na rin ang gobernador ng tulong mula kay DSWD Secretary Rex Gatchalian na maipaabot kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanilang sitwasyon para mapigilang maging dagat ang mga bayan ng Macabebe at Masantol.
Samantala, nangako naman si Sec. Gatchalian na ipararating ang hinaing ng mga mamamayan ng Pampanga at nakikipag-usap na rin aniya kay DPWH Sec. Vince Dizon at tiniyak na “on the way” na ang engineering solutions.
















