Nangako si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ng tulong sa libu-libong pamilya na na-displace dahil sa sumiklab na malaking sunog sa Parola compound sa Binondo, Manila nitong weekend.
Inatasan na rin ng kalihim ang Field Office National Capital Region ng DSWD na tiyakin ang agarang paghahatid ng kinakailangang tulong sa mga apektadong pamilya, kabilang ang kanilang pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan habang bumabangon mula sa trahediya.
Ipinag-utos na rin ni Gatchalian kay Regional Director Michael Lorico na magpadala ng kitchen kits, sleeping kits at iba pang non-food items sa internally-displaced families na nangangailangan ng pansamantalang matutuluyan sa Delpan evacuation center.
Ayon naman kay DSWD spokesperson ASec. Irene Dumlao, nakahanda ang ahensiya na magbigay ng karagdagang food at non-food items, sa pakikipatulungan sa Manila local government unit, depende sa pangangailangan ng mga pamilyang nawalan ng tirahan dahil sa sunog.
Matatandaan, sumiklab ang malaking sunog sa may Parola Compound hapon noong Sabado, Mayo 23 na nagresulta sa pagka-displace ng 2,500 pamilya.
Kung saan nasa mahigit 2,100 pamilya na apektado ng sunog ang pansamantalang nananatili sa Delpan evacuation center.















