Dumating na sa Brussels, Belgium si Ukraine President Volodymyr Zelensky para sa isang araw na summit kasama ang European leaders ngayong Huwebes, Oktubre 23.
Sa pagdating ni Zelensky sa EU summit, humarap siya sa media kasama si European Council President Antonio Costa at iginiit niyang wala silang isusuko ni isa sa kanilang teritoryo sa peace talks.
Welcome rin para kay Zelensky ang desisyon ng EU at ni US President Donald Trump nitong Miyerkules na patawan ng panibagong sanctions ang Russia.
Puno ng agenda ang isasagawang summit ngayong araw subalit isa sa pangunahing layunin ng EU leaders ay para suportahan ang peace efforts ni Zelensky at panatilihin si US President Donald Trump sa naturang inisyatiba.
Isa pa sa tatalakayin ay ang plano ng komisyon para sa reparation loan gaya ng paggamit ng immobilized Russian assets na isasagawa sa Belgium para pondohan ang defense at reconstruction ng Ukraine.
Samantala, sa pagharap din sa media ng European Council president, kumpiyansa siyang susuportahan ng EU leaders ang planong pagbibigay ng 140 bilyong euro na pautang para sa Ukraine.
Aniya, gagawa sila ng political decision para matiyak ang pangangailangang pinansiyal ng Ukraine para sa 2026 at 2027, at sinabing ang naturang loan ay magpapahintulot sa Ukraine na ipagpatuloy ang laban para sa katotohanan at pangmatagalang kapayapaan.