-- Advertisements --

Nagsalita na si dating Rep. Zaldy Co kung saan inilahad nito ang mabibigat na paratang laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating Speaker Martin Romualdez. 

Sa naturang pahayag, iginiit ni Co na siya ay inutusan umano na magsagawa ng ₱100 bilyong halaga ng proyekto na ipapasok sa BICAM para sa pambansang badyet.

Ayon kay Co, nagsimula ang lahat noong 2024 nang tumawag umano sa kanya si Budget Secretary Mina Pangandaman sa gitna ng BICAM deliberations. Sinabi raw ng kalihim na galing sa Pangulo ang utos na magpasok ng ₱100 bilyong proyekto sa pinal na bersyon ng badyet.

Dagdag pa niya, sinabi raw ni Pangandaman na maaaring kumpirmahin ito kay Usec. Adrian Bersamin, na ayon sa dating kongresista ay nagpahayag na totoong may naturang direktiba mula sa Pangulo.

Ipinahayag din ni Co na nagkaroon ng pulong sa Aguado Building malapit sa Malacañang kasama sina Romualdez, Pangandaman, Bersamin, at Usec. Jojo Cadiz. Dito raw iniabot ni Bersamin ang listahan ng mga proyekto na nagkakahalaga ng ₱100 bilyon. Aniya, sinabi ng opisyal na ang listahan ay “galing mismo kay PBBM.”

Ikinuwento ni Co na iminungkahi niyang gawing ₱50 bilyon lamang ang ilagay sa program funds dahil hindi umano dapat lumampas ang badyet ng DPWH sa DepEd. Ang natitirang ₱50 bilyon ay maaaring ilagay sa unprogrammed funds, na pinangangasiwaan ng Office of the President.

Ngunit ayon sa kanya, tinawagan siyang muli ni Pangandaman at dinala ang mensahe raw ng Pangulo. 

“Ipasok ninyo ‘yan dahil pinangako na sa akin ni Speaker Martin at hindi na pwedeng baguhin… Ang utos ng hari, hindi pwedeng mabal.,”

Sa kabila ng pag-aalinlangan, sinabi ni Co na ipinatupad niya ang naturang utos matapos kumpirmahin diumano ni Romualdez na wala silang magagawa.

Ibinunyag din ni Co na noong Hulyo 19, 2025, umalis siya ng bansa para sa medical check-up at planong bumalik matapos ang SONA. 

Ngunit bago siya makauwi, sinabi raw sa kanya ni Romualdez: 

“Stay out of the country. You will be well taken care of as instructed by the President.”

Giit ni Co, naniwala siya noon sa administrasyon, ngunit kalaunan ay nadiskubre umano niyang gagamitin siya bilang “panakip-butas” sa kampanya kontra korapsyon.

Sa kanyang mensahe, humarap si Co sa galit ng publiko:

“Alam ko na buo ang galit ninyo sa akin ngayon… Pero bago kayo humusga, hayaan ninyo akong ipaliwanag ang buong katotohanan.”

Ipinangako niyang ilalabas pa ang dagdag na detalye, ebidensya, at pangalan na sangkot umano sa kontrobersiya.

Sa ngayon ay wala pang opisyal na tugon mula kina Pangulong Marcos, dating Speaker Romualdez, o sa Department of Budget and Management kaugnay ng mga paratang.