BACOLOD CITY – Hindi naiwasan ng Yanson matriarch na pasaringan ang apat sa kanyang anim na anak na nag-aagawan sa liderato ng Yanson Group of Bus Companies.
Sa harap ng 3,000 employees ng Vallacar Transit Incorporated sa Negros Occidental, sinabi ni Olivia Villaflores Yanson (OVY) na hindi nito pababayaan ang mga empleyado sa gitna ng away ng kanyang mga anak.
Ayon kay OVY, magtatayo ito ng foundation upang may puntahan ang kanyang share sa multi-billion transportation and real estate properties kung saan siya ang co-owner, kasama ang mister na si Ricardo Yanson Sr.
October 2018, naghain ng kaso si Olivia laban sa kanyang sariling mga anak kabilang na ang baong presidente ng Yanson Group of Bus Companies na si Roy upang i-demand ang conjugal half sa kanilang yaman.
Nabatid na nang namatay ang Yanson patriarch noong October 2015, naging compulsory na tagapagmana ang kanyang misis at anim na anak.
Hulyo 2018, natuklasan ni Mrs. Yanson na nailipat sa kanyang mga anak ang lahat nitong shares of stock kabilang ang kanyang conjugal half sa walong family corporations at walang naiwan sa kanyang pangalan.
Dahil dito, nagsampa ng kaso si OVY laban sa mga anak maliban lamang kay Leo Rey Yanson na pinatalsik bilang presidente ng Yanson Group of Bus Companies at ang ate nito na si Ginette Yanson-Dumancas.
Ayon sa ina, sakaling pumabor sa kanila ang desisyon ng korte, mas pipiliin pa nitong magtayo ng foundation upang tulungan ang mga empleyado na makapagtapos ang kanilang mga anak sa pag-aaral, sa halip na bigyan ang kanyang apat na anak na nagpatalsik kay Leo Rey nitong weekend.