-- Advertisements --

Itutulak ni Parañaque 2nd District Rep. Brian Raymund Yamsuan ang pagsama ng panukalang Magna Carta para sa Public Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Workers sa mga priority measures ng 20th Congress. 

Ayon kay Yamsuan, plano niyang talakayin ang House Bill 5239 kina Speaker Faustino “Bojie” Dy III at House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos upang maisama ito sa Common Legislative Agenda ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).

Layunin ng panukala na mapabuti ang working conditions at palawakin ang benepisyo ng mga public DRRM workers, kabilang ang hazard allowance, mandatory insurance, medical at retirement benefits, libreng bakuna at protective equipment, at kompensasyon sa mga work-related injury at sakit.

Nakasaad din sa panukala ang paglikha ng Public DRRM Workers’ Education Trust Fund na magbibigay ng edukasyonal na tulong sa mga anak at dependents ng mga DRRM workers na nasawi sa tungkulin.

Kabilang pa sa mga probisyon ang psychosocial support, patuloy na pagsasanay, scholarship, at longevity pay para sa mga kwalipikadong kawani.

Sa kasalukuyan, ang HB 5239 at iba pang kahalintulad na panukala ay nakabinbin sa House Committee on Disaster Resilience.