Nagpaalala ang World Health Organization (WHO) sa pagluluwag ng restriksyon sa Metro Manila na hindi pa napapanahon ang pagluluwag sa ipinapatupad sa rehiyon kahit pa mahigit sa kalahati ng populasyon nito ang fully vaccinated kontra COVID-19.

Paliwang ni WHO Representative to the Philippines Dr. Rabindra Abeyasinghe na tinatayang nasa 60% ang significant population coverage na fully vaccinated sa NCR subalit hindi pa aniya napapanahon sa ngayon para luwagan ang quarantine protocols.

Binigyang diin ni Dr. Abiyasinghe na kailangan ng istriktong pagpapatupad ng mga panuntunan sa quarantine para mapigilan ang paglala ng Covid transmission na maaaring magresulta sa pagka-overwhelm ng health system ng bansa.

Giniit pa ni Abeyasinghe na kailangang na maging maingat sa pag-recalibrate sa pagtugon ng kasalukuyang sitwasyon sa gitna ng pandemic.

Pinunto nito na maaari aniyang baguhin ang mga terminolohiya na ginagamit sa quarantine status subalit dapat pa ring masunod ang mga ipinapatupad na restrictions.

Kasunod na rin ito ng nakatakdang pilot testing ng granular lockdown sa NCR kung saan napagdesisyunan ng pamahalaan na isailalim ang buong rehiyon sa alert level 4 simula sa Setyembre 16.

Sa ilalim ng bagong polisiya, ipapatupad ang granular lockdown sa mga partikular na lugar na may mataas na transmission kaakibat ng implementasyon ng alert level system kung saan ito ang pagbabasehan ng klase ng mga negosyo at kapasidad na papayagang mag-operate sa kasagsagan ng lockdown.