-- Advertisements --

MANILA – Inirerekomenda pa rin ng mga eksperto ang paggamit sa Pilipinas ng COVID-19 vaccine na gawa ng Oxford University at British pharmaceutical company na AstraZeneca.

Ito’y kasunod ng pansamantalang suspensyon sa pagtuturok ng naturang bakuna dahil sa “very rare side effect” na pamumuo ng dugo at mababang platelet counting.

“Dumating na yung recommendation ng WHO, vaccine expert panel, at adverse event committee (National Adverse Events Following Immunization Committee) atsaka mga expert natin at unanimous naman lahat na yung paggamit ng bakuna overall ay talagang the benefit outweighs the known and the potential risk,” ani FDA director general Eric Domingo.

Nilinaw ng opisyal na sa ngayon wala pang naitatala ang NAEFIC na mga kaso ng blood clotting at mababang platelet count mula sa mga nabakunahan ng AstraZeneca vaccines.

Kung maaalala, ilang kaso ng naturang side effects ang iniulat sa Estados Unidos at Europa kamakailan, pero nilinaw ng European Medicines Agency na “very rare” lang ito at may benepisyon pa rin sa paggamit ng British-Swedish vaccine.

“Nangyayari (yung very rare side effect) sa one is to every 150,000 or one is to 1-million vaccinees, so kung titingnan natin mas malaki pa rin ang benepisyon kung gagamitin ang bakuna.”

Sumulat na raw si Domingo sa kalihim ng Department of Health para ipaalam ang posisyon ng mga kinonsultang dalubhasa.

“Tamang-tama naman dahil paparating yung next vaccine (supply) natin within two to three weeks… magkakaroon ng panahon yung DOH na gumawa ng bagong guidelines kasi kailangan lang paalalahanan ang mga magbabakuna that there’s the possibilty of these rare side effect at ano ang gagawin; at kung sino ang pwedeng bigyan ng bakunang ito,” ani Domingo.

Dahil sa rekomendasyon ng FDA, tiyak umanong makakatanggap ng ikalawang dose ang populasyong nakatanggap na ng unang dose ng AstraZeneca vaccine.