Kumpiyansa ang Department of Health (DOH) na maaasahan pa rin ang datos na kanilang inilalabas kaugnay ng COVID-19 situation sa bansa, sa kabila ng pinunang discrepancy o pagkakamali sa ilang impormasyon ng mga eksperto mula sa UP.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, wala pang isang porsyento ng kabuuang data ang mga pagkakamali nakita ng UP Resilience Institute, kaya hindi ito ang magtatakda sa integridad ng kanilang kabuuang report.
“Hindi natin sinasabing perpekto ang data ng DOH. Ang sinasabi namin ay dahil nominal percent lang ang tinatawag nilang errors, hindi ito dahilan para mawalan ng integridad ang data, at maging hindi kapani-paniwala.”
“Sa kabila ng lahat ng ito, confident kami sa Kagawaran ng Kalusugan na ang ating data ay reliable, na basehan ng aming nagiging desisyon.”
Sang-ayon dito ang founder at CEO ng Thinking Machines Data Science, Inc. na si Stephanie Sy.
Ang kanilang grupo kasi ang nagmamando sa online COVID-19 case tracker ng DOH.
“There is no such thing as a 100% correct data set in the real world. A 99% reliable and consistent data set is a useful data set for the use of policies and decisions that we have been making.”
“Here with the DOH, we’ve been building it in real time. We’ve been building it and sharing data on it since day one, so the level of difficulty, of challenge is really high.”
Nagsisimula ang data collection sa mga ospital kung saan nagfi-fill up ng case investigation form ang mga pasyente. Matapos nito ay ikakarga data system ng DOH.
Mano-manong susuriin ng DOH staff ang mga CIF, tatawag sa mga ospital para sa verification at magfa-follow up kung mayroon mang kulang o maling impormasyon.
Tsaka pa lang ito ika-karga ng Thinking Machines sa website ng DOH tracker para makita ng publiko.
Kung sa pagitan daw ng alas-kwatro ng hapon ng dalawang araw ay may makitang corrections ang DOH, sa ikatlong sunod na araw pa umano ikakarga ng kompanya ang mga bagong datos.
Ito ay para raw sa transparency at pagme-mentina ng public record.
Ayon kay Sy, ang inconsistencies o mga hindi tugmang impormasyon na nakita ng UP experts ay bunga ng pagkakamali sa coding at kulang na datos sa mga CIF.
Kaya umaasa ang DOH na sa pamamagitan ng bagong application na kanilang ilulunsad ay mababawasan ang errors sa pagkakarga ng data.
Ang COVID KAYA ay bunga ng partnership ng Health department sa World Health Organization at DICT.
Sa pamamagitan nito, magiging automated na ang data collection. Magkakaroon din ng centralized data store na magagamit ng mga scientists, LGUs, at government officials sa pagbuo ng mga polisya.