KALIBO, Aklan — Ibinalik na ng Philippine Coast Guard (PCG)-Aklan ang regular na operasyon ng ilang water sports activities sa isla ng Boracay sa ilang kondisyon.
Ito ay matapos kanselahin nitong Martes ang naturang aktibidad dahil sa malakas na hangin at alon dala ng habagat.
Sa abiso ng PCG-Aklan, pinapayagan na ang mga turista sa pagsasagawa ng scuba diving at helmet diving sa Bolabog Beach.
Binigyan na rin ng “go signal” ang island hopping, subalit kailangang point to point ang destinasyon at mahigpit na ipinagbabawal na lumampas sa 75% ng total passenger capacity.
Samantala, bawal pa rin ang parasailing, paraw operations at iba pang non-motorized water sports kagaya ng kayak at paddle boarding.
Sinabi pa ng PCG na agad na magpapalabas ng suspension order sakaling muling sumama ang panahon.