Patuloy na makakaranas ng water interruption ang nasa 352,000 na customer ng Maynilad ngayong Linggo sa ilang bahagi ng Maynila, Las Piñas, Parañaque, at Pasay, at sa ilang bayan ng Cavite kabilang ang Rosario, Bacoor, Cavite City, Imus, Kawit, at Noveleta.
Ayon sa Maynilad, maari pang tumagal ang service interruption dahil sa nagpapatuloy ang pagkukumpuni ng nasirang 2.2-meter diameter water pipeline na natamaan ng third-party contractor sa construction site ng New Pritil Public Market sa Tondo.
Isa pang dahilan ng pagbagal ng pagkukumpuni ay dahil sa nararanasang malalakas na pag-ulan.
Una nang inanunsyo ng water company na magtatapos ang interruption ng alas-10 ng umaga ngayong Hunyo 8, ngunit kinailangang i-extend dahil sa pagkaantala ng repair works.
Dahil dito ay mag-iikot muli ang mga water tankers ngayong araw upang maghatid ng malinis na tubig, habang nag lagay naman ang Maynilad ng mga stationary water tanks sa piling lugar para sa mga apektadong residente.
Samantala, sinabi ng Maynilad na nakikipag-ugnayan na sila sa third-party contractor na nagsabing pananagutan nila ang insidente.
Sa isang panayam sinabi ni Jennifer Rufo, corporate communications head ng Maynilad, na ang naturang konstruksyon ay hindi agad nag abiso sa kanila.
Gayunpaman, humihingi ng paumanhin ang pamunuan ng Maynilad sa publiko sa abalang dulot ng insidente, at nangakong magbibigay ng update habang nagpapatuloy ang pagkukumpuni.