Bahagyang naibsan umano ang kumpiyansa ng ilang mga basketball analysts na muling aakyat sa kampeonato sa NBA ang number 1 ngayon sa Western Conference na Phoenix Suns.
Ito ay makaraang kumpirmahin ng koponan na baka abutin pa ng hanggang dalawang buwan sa pagpapagaling sa kanyang injury sa kamay ang veteran point guard na si Chris Paul.
Dahil dito, lumakas naman ang pananaw ng ilang observers na inaasahang hahabol ang Golden State Warriors at posibleng makuha pa ang Western Conference title hanggang sa umabot pa sa NBA championships.
Sa ngayon, mahigit na lamang sa 20 games ang natitira bago ang NBA playoffs.
Dinomina ng Phoenix Suns ang mga laro sa nagpapatuloy na regular season kung saan hawak ang matinding record na 48 wins at 10 pa lamang ang talo.
Pumapangalawa naman sa kanila ang Warriors na lalo umanong naging deadly dahil sa nabuhay muli ang kumbinasyon na Splash Brothers na sina Steph Curry at Klay Thompson.
Samantala, nasa break pa rin ngayon ang NBA at magbabalik ang mga games sa Pebrero 25.