MANILA — Itinutulak ni Senate President Win Gatchalian ang pagpasa ng Comprehensive School Safety Act o Senate Bill No. 2426 kasunod ng mga insidente ng karahasan sa mga paaralan, kabilang ang pinakahuling pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato.
Layunin ng panukala na magtatag ng National Comprehensive School Safety Framework na magsisilbing gabay ng mga paaralan sa pag-iwas, pagtugon at pagbangon mula sa iba’t ibang banta at insidenteng maaaring makaapekto sa kaligtasan ng mga mag-aaral at personnel.
Sa ilalim ng panukala, pangungunahan ng Department of Education (DepEd), kasama ang iba pang ahensiya ng pamahalaan at mga lokal na pamahalaan, ang pagbuo, pagpapatupad at regular na pag-update ng framework.
Itatakda nito ang mga pamantayan at pamamaraan para sa disaster at emergency preparedness, pag-iwas sa karahasan at iba pang panganib, pagtugon sa insidente at mga hakbang para sa rehabilitasyon at pagbabalik sa normal na operasyon ng mga paaralan.
Bahagi rin ng panukala ang pagbuo ng School Safety Plan na kailangang ihanda at i-update taun-taon ng bawat paaralan.
Ang plano ay iaangkop sa partikular na sitwasyon at mga panganib na kinakaharap ng bawat paaralan at komunidad, upang hindi maging iisang pamantayan lamang ang gagamitin sa lahat ng lugar.
Inaatasan din ang mga paaralan na maghanda at regular na mag-update ng School Safety Handbook na maglalaman ng mahahalagang polisiya, proseso, emergency information at mga serbisyong maaaring lapitan ng mga mag-aaral.
Isasama rin dito ang School Code of Conduct, na malinaw na magtatakda sa mga ipinagbabawal o hindi katanggap-tanggap na gawain, gayundin sa mga kaukulang hakbang sa pagdidisiplina at restorative interventions.
Ayon kay Gatchalian, hindi dapat nakatuon lamang ang mga paaralan sa pagtugon kapag nangyari na ang isang insidente. Kailangan ding magkaroon ng malinaw na sistema para matukoy at mapigilan ang mga posibleng banta bago pa ito mauwi sa karahasan.
“Hindi sapat ang reactive response. Kailangan nating maging proactive—kilalanin ang mga banta, pigilan ang insidente bago mangyari, at tiyaking ligtas ang bawat paaralan,” ani Gatchalian,
Sa pamamagitan ng isang pambansang framework, layunin ng panukala na magkaroon ng mas pare-parehong pamantayan sa school safety habang binibigyan ang bawat paaralan ng kakayahang iangkop ang mga hakbang batay sa kanilang aktuwal na kalagayan at mga panganib sa komunidad.
















