-- Advertisements --

Tiniyak ng Malacañang na walang magaganap na overlapping sa trabaho ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na malawakang imbestigasyon sa mga tanggapan ng gobyerno laban sa katiwalian.

Pahayag ito ni Presidential Spokesman Harry Roque nang tanungin kung bakit inatasan pa ni Pangulong Duterte ang Department of Justice (DOJ) gayung nandiyan ang Ombudsman at Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).

Ayon kay Sec. Roque, hindi ito nangangahulugang dismayado si Pangulong Duterte sa effort ng ibang ahensya na nag-iimbestiga ng korupsyon sa pamahalaan.

Inihayag ni Sec. Roque, binibigyang-diin lamang ni Pangulong Duterte na prayoridad niya ang laban sa korupsyon sa kanyang huling dalawang taon sa termino.

Maliban dito, nakita rin umano ni Pangulong Duterte sa kaso ng PhilHealth na kung mas marami ang tauhan ng pamahalaang tututok sa laban na ito ay mas mabuti ang kalalabasan ng imbestigasyon.