VIGAN CITY- Magkahalong lungkot at galit ang nararamdaman ngayon ng pamilya ng namatay na si Marlon Macabinta Aglibot, 38 anyos, waiter sa isang bar at drug surrenderer na namatay dahil sa pamamaril sa isang bar sa Sto.Domingo, Ilocos Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ng ina ng biktima na malaki ang paniniwala niya na ang bestfriend ng kanyang anak na si Boy Talania, 35 anyos na ngayon ay nasa kostudiya ng Sto. Domingo Municipal Police Station ang pumatay sa kanyang anak dahil nakita ito sa CCTV na siya bumaril sa biktima.
Giit naman ng suspek na si Talania na hindi niya magagawa ang paratang sa kanya dahil tinuring na niyang parang kapatid ang biktima at bukod pa dito sinabi niya na nakasuot siya ng yellow tshirt samantalang yung nakita sa CCTV na bumaril ay nakasuot ng white tshirt at nagkataon lang na magkapareho sila ng sombrero na kulay itim.
Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang imbestigasyon na isinasagawa ng mga otoridad lalo na’t may nabanggit ang suspek na nakwento sa kanya ng biktima na parang may gustong manakit sa kanya na isang engineer.