-- Advertisements --

Tumanggi muna ang kampo ni VP Sara Duterte na magkumento ukol sa posibleng maraming senador ang susuporta sa pangalawang pangulo kung magconvene na ang mataas na kapulungan bilang impeachment court.

Ito ay kung tumuloy sa full trial ang kaso ng pangalawang pangulo.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay defense spokesperson Atty. Michael Poa, natanong ang huli ukol sa pagsuporta ng mga miyembro ng Duterte bloc sa pangalawang pangulo at ang posibilidad na hindi makakakuha ang prosecution ng sapat na boto para i-convict ang bise presidente.

Sagot ni Atty. Poa, ayaw muna niyang mag-speculate sa bilang ng mga senador na posibleng susuporta sa bise presidente dahil ito ay isang usaping pulitika.

Kadalasan kasi aniyang nagkakaroon ng mabilis na pagbabago sa pulitika kaya’t hindi rin akmang magbilang ng mga senator-judges na maituturing bilang supporter ng pangalawang pangulo.

Sa ngayon, ang tanging magagawa lamang aniya ng defense panel ay ang patatagin ang hawak nitong ebidensiya na maaaring ipresenta kapag gumulong na ang trial, kasama ang mga testigo na ihaharap sa paglilitis.

Naniniwala ang legal team aniya na boboto ang mga senator-judge, salig sa ituturo o ididikta ng mga ebidensiya at testimoniya. (report by Bombo Jai)