Isinama ni Vice President Sara Duterte sa kanyang listahan ng mga testigo sa nalalapit na impeachment trial ang kanyang mga dating kritiko, kabilang sina dating Senador Antonio Trillanes IV at Ramil Madriaga.
Batay sa pre-trial brief ng depensa na isinumite sa impeachment court noong Hunyo 15, layunin umano ng pagtawag sa mga testigo na patunayang walang basehan ang mga paratang sa Articles of Impeachment laban sa Bise Presidente.
“Until the prosecution is able to present any such credible, competent, and admissible evidence, the respondent reserves the right to present additional controverting evidence,” pahayag pa sa pre-trial brief.
Bukod kina Trillanes at Madriaga, kabilang din sa listahan ng mga posibleng testigo ang ilang opisyal mula sa Office of the Ombudsman, Office of the President, National Bureau of Investigation, Commission on Audit, Department of Budget and Management, Anti-Money Laundering Council, Philippine Statistics Authority, at iba pang ahensya ng gobyerno.
Mayroon ding mga forensic experts, accountants, notaries public, at maging mga investigative journalists na maaaring ipatawag bilang bahagi ng depensa.
Ang impeachment complaint laban sa Bise Presidente ay nakabatay sa ilang seryosong akusasyon, kabilang ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, hindi tamang deklarasyon ng yaman, hindi pag-disclose ng mga negosyo, at iba pang alegasyon ng graft at corruption.
Kasama rin sa mga paratang ang umano’y mga banta laban sa ilang matataas na opisyal ng gobyerno.
Sa mga naunang pagdinig sa Kamara, lumutang din ang mga testimonya at ulat ng Commission on Audit, National Bureau of Investigation, at Anti-Money Laundering Council na may kaugnayan sa umano’y iregularidad sa paggamit ng pondo.
















