-- Advertisements --

Saglit na naging magaan ang talakayan sa Senate impeachment court matapos magkaroon ng biruan sa pagitan nina private prosecutor Atty. Lorna Kapunan, Senate President at impeachment court presiding officer Senator-Judge Chiz Escudero, at Senator-Judge Panfilo “Ping” Lacson.

Nang talakayin ni Kapunan ang matagal nang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, nabanggit niya ang umano’y pahayag ni Lacson na maaaring umabot sa punto na magkaapo na ang mga sangkot sa paglilitis bago ito matapos.

Ngunit nang banggitin ni Kapunan ang tungkol sa “national bird,” agad itong nilinaw ni Escudero.

Itinanggi naman ni Lacson na siya ang nagsabi nito at pabirong sinabi, “I never talked about birds.”

Nagbunga ito ng tawanan sa loob ng impeachment court.

Matapos ang magaan na sandali, inanunsyo ni Kapunan na hindi na ihaharap ng prosecution panel bilang mga testigo sina Atty. Zuleika Lopez, chief of staff ni Vice President Sara Duterte, at Captain Belinda Bello.

Kaugnay ito ng Article IV ng impeachment complaint na tumatalakay sa umano’y grave threats ni Duterte laban kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Ayon kay Kapunan, sapat na ang mga nakalap na impormasyon mula sa mga naunang testigo at sa mga pahayag ng kampo ng depensa kaya hindi na kinakailangan ang karagdagang testimonya ni Lopez.

Dagdag pa niya, ang posibleng impormasyon mula kay Bello ay magsisilbi lamang sanang karagdagang o suportang ebidensya sa kaso.