-- Advertisements --

Mariing pinabulaanan ni Vice President Sara Duterte ang mga ibinabatong alegasyon kaugnay sa kaniyang umano’y bilyon-bilyong pisong bank accounts, sabay buwelta sa kasalukuyang administrasyon na pilit umanong ginagamit ang makinarya ng gobyerno upang manira at ilihis ang atensyon ng publiko.

Sa isang pormal na pahayag na inilabas nitong Huwebes, iginiit ng Pangalawang Pangulo na malinis ang kaniyang service record at walang bahid ng korapsyon gamit ang pondo ng bayan.

Aniya, ang bawat sentimo ng kaniyang pera at mga ari-arian ay nagmula sa lehitimong paraan at wastong idineklara sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth o SALN.

Tinawag ni Duterte na lumang kwento ang akusasyon na halos isang dekada nang ibinabato ni dating Senador Antonio Trillanes IV.

Gayunpaman, binigyang-diin niya na ang pinagkaiba ngayon ay ang lantarang suporta ng matataas na opisyal ng gobyerno sa nasabing paninira.

Ayon sa Bise Presidente, ang sunod-sunod na atake sa kaniya ay nag-umpisa matapos siyang magbitiw sa Gabinete, partikular na noong tumanggi siyang pumirma sa isang pambansang pondo na hindi niya kayang ipagtanggol sa taumbayan.

Tahasang tinukoy ni Duterte ang mga matataas na opisyal na nasa likod umano ng mga panggigipit sa kaniya.

Direkta rin niyang pinuna ang Pangulo, mga mambabatas, at mga ahensya ng gobyerno.

Dagdag pa ng Bise Presidente, ang totoong nakaw na yaman ay hindi ipinapasok sa bangko kundi inilalagay sa maleta.

Inakusahan din niya ang administrasyon na ginagamit ang ingay ng impeachment bilang panakip-butas sa kanilang kabiguang sagutin ang mga kritikal na isyu ng bansa.

Kabilang na rito ang kuwestiyonableng pondo sa flood control projects, patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, kawalan ng independent foreign policy, at ang lumalalang problema sa krimen at kahirapan.

Nanawagan si Duterte sa taumbayan na huwag magpalinlang sa pulitika, dahil ang tunay na laban ay ang pag-ahon sa mga hamon na nararanasan ng mga Pilipino araw-araw.