Naniniwala ang Malacañang na nasa campaign mode na si Vice President Leni Robredo.
Pahayag ito ni Presidential Spokesman Harry Roque sa gitna ng ginagawa umanong pamumulitika ng bise presidente habang nasa panahon ng pandemya.
Ang pahayag ay ginawa ni Sec. Roque kasunod ng batikos ni VP Leni kaugnay sa umano’y kawalan ng medical intervention ng gobyerno sa gitna ng nararanasan pa ding health crisis.
Sinabi ni Sec. Roque, paanong walang walang intervention na nagaganap gayung napakababa ng mortality rate na nasa 1.7 lamang.
Ayon kay Sec. Roque, nandiyan din umano ang pagpapalawak ng hospital bed capacity gayundin ang mga kama para sa intensive care unit (ICU).
Sa ganito umanong pagbubulag-bulagan at pamumulitika ni VP Robredo ay tiyak na magba-back fire o babalik ito mismo sa kanya at lalo lang magagalit sa kanya ang mga tao.
“Alam naman ninyo si VP Leni, talagang campaign mode na eh. Pero sa tingin ko, magba-backfire iyan. Kasi habang ikaw ay namumulitika sa panahon ng pandemya, lalong magagalit sa iyo ang tao. Sino ba naman ang nagsabing walang medical intervention na ginagawa. Eh kung walang medical intervention, tingin ninyo magkakaroon tayo ng 1.7 case mortality rate? Ibig sabihin, napakakaunti po ng namamatay kasi nga po mayroon tayong medical and non-medical interventions,” ani Sec. Roque.