Umapela si Vice President Leni Robredo sa pamunuan ng Department of Education (DepEd) matapos bawiin ang pahayag ng suporta sa inisyatibong Community Learning Hub para sa mga estudyanteng apektado ng COVID-19 pandemic.
Hindi naitago ni Robredo ang kanyang pagkadismaya kay Education Sec. Leonor Briones dahil sa paggiit nito na walang approval ng DepEd ang inisyatibo ng tanggapan ng pangalawang pangulo.
“Totoo na si Presidente (Duterte) iyong nag-appoint sa kaniya, pero sana naman ipagtanggol niya iyong mga bata na nangangailangan ng tulong, ipagtanggol niya iyong mga teachers na nangangailangan ng tulong. Hindi naman dito puwede iyong blind obedience,” ani VP Leni sa kanyang weekly radio program.
“Hindi dito puwede, Ka Ely, na iyong ginagawa mo, ipi-please mo… ipi-please mo iyong mga nakakataas sa iyo at the expense, at the expense noong mga estudyanteng natutulungan.”
Nag-mitsa ang issue nang tanungin ni Presidential spokesperson Harry Roque si Briones tungkol sa umano’y face-to-face classes na ipinatupad ng Office of the Vice President (OVP) sa ilalim ng partnership sa DepEd.
“Alam naman nila, Ka Ely, na wala. Wala tayong face-to-face classes, kasi wala naman tayong teachers. Wala tayong teachers. Ang mayroon natin, Ka Ely, tutors na kung may batang nahihirapan, puwede siyang pumunta siya sa center para siya matulungan. Eh karamihan nga sa mga pumupunta sa centers, iyong mga kailangan ng tulong kasi hindi pa nagbabasa,” sagot ni Robredo.
Nilinaw ni Robredo na ang tanging hangad lang ng kanilang inisyatibo ay matulungan ang mga magulang at kabataan na hirap makasabay sa ipinilit ipatupad ng blended-learning ng pamahalaan.
Sa kabila kasi ng apela ng mga estudyante at ilang guro, binuksan pa rin ng DepEd ang klase noong Oktubre.
“Walang maayos na lugar sa bahay para gawin nila iyong mga modules nila. Walang capacity iyong magulang para tutukan sila. Iyong mga magulang hindi puwedeng huminto sa trabaho para tutukan sila… ang pinagsisilbihan natin dito iyong mga bata, mga teachers na nangangailangan ng tulong.”
“Dahil sa irresponsible na statement—tingin ko para i-please iyong mga— Para sa akin, Ka Ely, hindi tayo naninilbihan na maayos kapag ganito tayo. Dapat iyong number one na goal natin, no student left behind. Hindi iyong goal iyong ipi-please natin iyong mga iyong mga nakakataas.”
Sa ngayon may 12 Community Learning Hub ang OVP sa bansa. Bukod sa mga tutors, alay din ng pasilidad ang internet access at learning modules sa mga estudyante.