-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Isinapubliko ni Vice Mayor Arlynn Arcilla ng Virac, Catanduanes ang pagpositibo nito sa COVID-19 matapos na maging close contact ng pumanaw na pasyente niyang COVID-positive rin.

Pagbabahagi ni Arcilla sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, family doctor siya ng naturang pasyente kaya’t nang sumangguni sa karamdaman ay hindi nag-atubiling tumulong.

Sa bahay ng pasyente, nagtungo si Arcilla dahil walang bakante noon na ospital na tatanggap sana nito habang hirap rin sa konsultasyon sa pamamagitan lamang ng text messages.

Tumuloy pa rin ito kahit walang personal protective equipment at naka-double masks, face shield, bonnet at gloves lamang ang suot.

Samantala ilang oras lamang makalipas ang konsultasyon, binawian ng buhay ang pasyente kaya’t nagdesisyon si Arcilla na mag-isolate na, magpasuri at tinawagan ang mga posibleng contacts.

Mula sa exposure sa pasyente noong Enero 3 at mapag-alamang positibo sa virus, ipinagpapasalamat ng bise alkalde na wala namang ipinapamalas na sintomas.

Maituturing aniyang mahalagang aral sa nangyari na habang inaalagaan ang kalusugan ng ibang tao, pakaisipin rin na protektahan ang sarili.

Samantala, nagdesisyon rin umano siyang isapubliko ang pagpositibo upang mapabilis rin ang contact tracing at mapigilan ang pagkalat pa ng virus.